PatrolPH

1 kritikal, 11 sugatan sa pag-araro ng bus sa mga motorsiklo sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2020 09:30 PM

Watch more on iWantTFC


MAYNILA — Kritikal ang isa at sugatan naman ang 11 iba pang motorista matapos silang araruhin ng pampasaherong bus sa Osmeña Highway sa Pio Del Pilar, Makati nitong Biyernes ng umaga. 

Pumailalim ang mga motorsiklo at natanggal ang harapang bumper ng bus ng PBTC Bus Corporation na biyaheng Navotas. 

Ayon kay Makati police chief Col. Oscar Jacildo, nakatigil na sa stop light ang mga sasakyan sa northbound lane sa kanto ng Arnaiz Avenue nang bumangga ang bus sa isang kotse sa unahan nito. 

Dumiretso naman ang bus sa mga motorsiklo malapit sa stop light. Nahagip din ang gilid ng katabing bus sa inner lane. 

Rumesponde ang rescue teams mula sa buong lungsod sa tinaguriang mass casualty incident at dinala ang mga sugatan sa mga ospital sa Makati at Taguig. 

Sabi ni Jacildo, kritikal ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard na isa sa mga unang motorcycle rider na tinamaan ng bus. 

Hawak na ng pulisya ang driver ng bus, na kinilalang si Marlon Yandug Nacaytuna, 29. 

Ayon kay Lt. Gemma Reyes ng Makati Police vehicular traffic investigation unit, sinabi ng driver na nawalan umano siya ng preno. 

Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple injuries and damage to property. 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.