PDEA agent, 3 suspek sa droga napatay sa Zamboanga Sibugay buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 12:41 AM

ZAMBOANGA SIBUGAY—Apat ang napatay habang isa ang sugatan sa buy-bust operation sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay nitong Lunes.

Nasawi sa operasyon si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jack Roland Bastatas habang sugatan si Police Cpl. Richie Janeo ng Regional Drug Enforcement Unit ng Zamboanga Peninsula.

Napatay rin sa engkuwentro ang 3 hinihinalang tulak na kinilalang sina Ibrahim Cula, Jan-jan Mauli, at Absar Cula.

Ayon kay Zamboanga Sibugay Gov. Wilter Palma, nanlaban umano ang mga suspek kaya nagresulta ang operasyon sa engkuwentro.

Nasamsam sa mga suspek ang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P340,000, mga baril at bala.

Naaresto rin sa Barangay Upper Pangi ang babaeng kasama ng mga suspek na umano'y sangkot din sa pagtutulak.

Ikinalungkot naman ng PDEA ang pagkasawi ni Bastatas sa operasyon.

Kakabinyag lang ng anak ni Bastatas bago ito bumalik ng Zamboanga Sibugay para sa nasabing operasyon.—Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.