Pamilya ng mga biktima ni rapist-killer Sanchez di habol ang 'dirty money'

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 09:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanindigan ang mga pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez na hindi sila naghahabol sa "dirty money" ni convicted rapist-killer Antonio Sanchez.

Noong 1995 ay hinatulan ng 7 counts ng reclusion perpetua si Sanchez dahil sa pagpatay kina Sarmenta at Gomez. Hinalay ng noo'y alkalde si Sarmenta at ipinagahasa din sa kaniyang mga tauhan bago ito binaril sa mukha. Tinortyur at pinatay din si Gomez.

Naungkat ang isyu ng hindi pagbabayad ng danyos ni Sanchez nang talakayin sa Senado ang batas sa good conduct time allowance (GCTA).

"Wala kaming habol diyan sa dirty money ni Sanchez... Ang point ko lang nu'ng nabanggit ko [ay] dapat tineyk into consideration po na hindi ito good conduct, dahil ito ay paglabag sa utos ng ating hukom," ani Clara Sarmenta, ina ni Eileen. 

"If we have interest in that money, then we could have done something before this fiasco started. If he does pay, we will use it for charity na lang," ayon naman kay Oliver John Gomez, kapatid ni Allan.

Iginiit naman ng kampo ni Sanchez na wala talaga silang balak bayaran ang P12.6 milyong civil damages na nakapaloob sa utos ng korte nang ma-convict ang dating Calauan mayor.

"Paulit-ulit po naming sinasabi, bakit po kami magbabayad wala naman pong kasalanan ang aking asawa?" ani Elvira Sanchez, common-law-wife ng rapist-killer. 

Para naman sa dating undersecretary ng Department of Justice (DOJ), hindi maaaring tumanggi ang sino man sa bagay na ipinag-utos na ng korte, gaya ng pagbabayad ng danyos.

"Kung walang cash, puwedeng habulin 'yung properties nu'ng offender... Technically may legal interest 'yan, on that moment na nagkaroon ng finality ang Supreme Court, tumatakbo na legal interest nu'n," opinyon ni Atty. Reynante Orceo.

Sa ngayon, sumulat na ang pamilya Sarmenta sa DOJ at Bureau of Corrections para sa pagkontra sa pagpapalaya kay Sanchez. —Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.