PatrolPH

Higit P5.3-milyong halaga ng wood chips ng endangered Agarwood kumpiskado sa Butuan

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 05:20 PM

Higit P5.3-milyong halaga ng wood chips ng endangered Agarwood kumpiskado sa Butuan 1
Narekober ang mga kahon na may lamang Agarwood sa tulong ng tip na nakuha ng Criminal Investigation and Detection Group-Region 13

BUTUAN CITY - Nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) 13 ang limang kahon na naglalaman ng mga wood chips ng Agarwood sa paliparan dito, Miyerkoles ng umaga.

Ipinadala ito ng limang tao sa magkakaparehong address sa pamamagitan ng PhilPost sa Butuan City Airport upang dalhin sa Maynila.

Aabot sa 17.9 kilo ang timbang ng 5 kahon na tinatayang nagkakahalaga ng P5.3-milyon.

“May nag-tip sa atin na may mga contraband na ipapadala sa ibang bansa kaya naharang kaagad natin ito sa airport,” sabi ni Police Lt. Col. Eugene Balugo, Deputy Regional Chief ng CIDG-13.

Hindi muna pinangalanan ng CIDG ang mga nagpadala habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

Base sa deklarasyon ng mga nagpadala, wood gift lang ang laman ng mga ito. Napag-alaman ng CIDG na dadalhin ang mga ito sa Muscat, Oman mula Maynila.

Inaalam pa ngayon ng CIDG at Department of Environment and Natural Resources kung saan nanggaling ang mga Agarwood, lalo't mahigpit na ipinagbabawal ang pagputol at pagbiyahe ng ganitong uri ng kahoy dahil kabilang ito sa mga endangered species.

Pinaghahanap na ngayon ng awtoridad ang mga nagpadala ng kontrabando na posibleng humarap sa kasong paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.