Faeldon sinibak; mga lumaya sa GCTA law pinasusuko ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 09:02 PM | Updated as of Sep 04 2019 11:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa Bureau of Corrections (BuCor) ang director general nito na si Nicanor Faeldon. 

Sumagot si Duterte ng, "yes, now" nang tanungin ng media kung sinisibak niya si Faeldon. Ito ay matapos sabihin ni Duterte sa talumpati nitong Miyerkoles na hinihingi niya ang pagbibitiw ni Faeldon dahil sa umano'y pagsuway nito sa kaniyang mga utos. 

"I am demanding the resignation of Faeldon immediately... Faeldon has to go because Faeldon disobeyed my order," aniya. 

Maikli naman ang tugon ni Faeldon nang tanungin tungkol dito: "I am a soldier, I do as I am told." 

Sa parehong talumpati, pinasusuko din ni Duterte ang nasa 1,700 kriminal na pinalaya ng BuCor simula 2014 sa pamamagitan ng kontrobersiyal na good conduct time allowance (GCTA) law. 

"Iyong lahat ng nakulong at na-release sa batas na ito... You surrender and have yourself registered with the BuCor. I will give you 15 days liberty provided you make yourself available anytime that you will be called for investigation to have a re-computation," ani Duterte. 

Tinatayang aabot sa 1,914 heinous crime convicts ang nakalaya sa umano'y maling interpretasyon ng GCTA. Pumutok ang isyu nang maudlot ang dapat sana'y paglaya ni convicted rapist-killer Antonio Sanchez.

Watch more in iWant or TFC.tv

PANELO, IPINAGTANGGOL 

Dinepensahan naman ni Duterte ang kanyang spokesman at legal adviser na si Salvador Panelo matapos itong mapuna dahil sa pagpapaabot ng apela ng pamilya ni Sanchez na mabigyan ito ng executive clemency at mapalaya. 

Walang maling ginawa si Panelo, ani Duterte. 

"He did what was right," anang Pangulo. 

"I cannot sanction anybody around here especially for lawyering. Alam ko lawyer 'yan." 

Si Panelo ay tumayong isa sa mga defense counsel ni Sanchez sa high-profile 1993 rape-slay case ni Eileen Sarmenta, at ang pagpatay naman sa kasama nitong si Allan Gomez. Nahatulan noong 1995 ang dating Calauan, Laguna mayor. 

Nauna nang hiniling ng mga senador ang pagbibitiw ni Faledon sa BuCor. 

"Dapat magbitiw na siya dahil maliwanag na nagkaroon ng kapalpakan sa posisyong ito... Maawa naman ang ating gobyerno sa ating mga kababayan. Iyong mga ganitong mga kilos hindi na dapat palampasin," ani Sen. Francis Pangilinan.

"Talagang pag-resign-in na, wag nang i-recycle... I think we have given him more than enough time to prove himself.. and he failed terribly," ayon naman kay Sen. Joel Villanueva. 

"The only honorable thing he can do at this point is to resign out of delicadeza," giit naman ni Sen. Sherwin Gatchalian.

—May ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.