1 patay sa hit-and-run; pulis na rumesponde, nahagip ng isa pang sasakyan

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 05:00 PM

Paliko na ang tricycle nang tumbukin ng isang kotse Martes ng gabi sa Barangay Dela Paz Norte, San Fernando City. Larawan mula sa Sindalan Compac 4

SAN FERNANDO CITY, Pampanga – Isa ang nasawi habang isa naman ang sugatan sa insidente ng hit-and-run sa bahagi ng MacArthur Highway sa Barangay Dela Paz Norte dito sa siyudad, Martes ng gabi.

Sa kuha ng CCTV, makikita na nakahinto at paliko na sana ang tricycle nang salpukin ng isang kotse. Sa lakas ng impact, bumaliktad ang tricycle at tumilapon ang pasahero at driver nito.

“Nag-menor ako, nag-flasher ako, hihintayin ko mag-clear 'yung kalsada sa kabila para papasok ako. Ngayon bigla na lang may umano sa likod ko, kumalampag, binangga na pala kami nung kotse,” sabi ni Nino Valentino David, driver ng tricycle.

Patay ang pasahero ni David na kinilalang si Shernie Joy Navarro, 20 anyos, na pauwi na sana sa kanilang bahay nang mangyari ang aksidente.

Ang kotse na nakabangga sa mga biktima ay tumakas matapos ang aksidente.

“'Yung nakabangga sa kaniya sana lumitaw. Patawarin ko siya pag lumatad,” sabi ng lolo ng biktima na si Teofilo Jimenez.

Samantala, rumesponde naman sa aksidente ang mga pulis ng Sindalan Compac 4 pero sa kasamaang palad, muli na namang nagkaroon ng aksidente sa lugar kung saan nahagip ng isang sasakyan ang isa sa mga pulis.

Huminto naman ang nakasaging sasakyan at nagkaareglo na.

Posible namang maoperahan ang sugatang pulis na si Cpl. Jessie dela Peña dahil sa natamong injury sa braso at balakang.

Samantala, sa tulong ng impormante, natukoy ng awtoridad ang plate number ng sasakyan na nakabangga sa tricycle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.