Palasyo pinawalangbisa ang amnesty ni Trillanes; senador tinawag na 'duwag' si Duterte

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2018 11:57 AM | Updated as of Sep 05 2018 05:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Senado na magpapalipas ng gabi si Senador Antonio Trillanes IV habang pinag-aaralan pa ng kaniyang mga abogado ang mga susunod na hakbang kaugnay sa pagpapawalangbisa ng kaniyang amnesty at ang paghahain ng Department of Justice (DOJ) ng mosyon upang maaresto siya. 

Martes ng umaga nang pumutok ang balita na "voided" na ang amnesty na ipinagkaloob ng gobryerno kay Trillanes noong 2010, na noo'y humaharap sa mga kasong kudeta at sedisyon dahil sa Oakwood mutiny noong 2003 at Manila Peninsula incident noong 2007.

Argumento ng Proclamation No. 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi naghain ng official amnesty application form at hindi umamin ng kasalanan si Trillanes kaya sa simula pa lang ay wala nang bisa ang amnestiya dito. 

Sa isang ambush interview, tinawag ni Trillanes na "duwag" at "diktador" ang Pangulong Rodrigo Duterte dahil itinaon ang paglabas ng utos ng Palasyo habang ang Pangulo ay nasa Israel. 

Dagdag ni Trillanes, imposible siyang mabigyan ng amnestiya kung hindi siya nagsumite ng aplikasyon. 

"Hindi ka bibigyan ng amnesty kung wala kang application. Maliwanag 'yun. Kaya nga ito, it's a clear case of political persecution dahil wala silang mahanap na kaso sa akin so kailangang mag-imbento," aniya. 

Kinahapunan, namataan sa Senado ang ilang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ayaw sabihin ang pakay kaya't napilitang makipagpulong si Senate President Tito Sotto sa mga ito kasama ang Senate sergeant-at-arms.

Doon na naging pinal ang magiging hakbang ng Senado.

"Ang assurance ni SP (Senate President) as long as andito ako sa Senate premises he will not allow me to be arrested... Limitado 'yung magagawa ko, I cannot go out of the premises... Iyun ang advice ng Senate leadership," rebelasyon ni Trillanes matapos ang pagpupulong.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa session hall, nagbigay si Trillanes ng privilege speech kung saan kinuwestiyon niya ang batayan ng utos ni Duterte at pinasinungalingan din ang argumento ng Palasyo na hindi siya nag-apply para makatanggap ng amnesty.

Ipinakita niya pa ang mga TV at online news reports na nagpapakitang personal siyang naghain ng application form noong 2011 sa Camp Aguinaldo at doon niya inamin ang pagkakasala sa batas.

Na-dismiss na rin umano ng korte ang mga kaso niyang rebelyon at kudeta at pinal na raw ito lalo't hindi naghain ng motion for reconsideration ang prosekusyon. 

Samantala, naghain naman ang DOJ ng motion para sa isang hold departure order at alias warrant of arrest laban kay Trillanes sa Makati RTC Branch 148. 

Pero ayon kay presiding judge Andres Soriano, kailangan niya munang pag-aralan ang case records bago makapagpasya kaya't wala pang arrest warrant na inilalabas. 

"I have to review the records again because it involves 53 volumes and the case started from another judge," paliwanag ni Soriano. 

Habang nasa Senado, bubuuin na ni Trillanes ang ihahain niyang petisyon sa Korte Suprema na kukuwestiyon sa pagbasura sa kaniyang nakuhang amnestiya. 

BALIKAN: MGA KASO NI TRILLANES

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos dalawang dekada na nang mangyari ang Oakwood mutiny samantalang 11 taon na mula nang maganap ang Manila Peninsula siege na parehong pinamunuan ng ngayon ay senador na si Antonio Trillanes IV.

Hulyo 27, 2003, linggo ng madaling araw, ay sinakop ng mahigit 300 pawang junior na mga sundalo ang Oakwood Premier Apartment sa Makati City.

Dito unang nakilala si Lieutenant Senior Grade Antonio Trillanes ng Philippine Navy, na naging boses ng tinawag na grupong Magdalo, at naglabas ng mga hinaing laban sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kasama ni Trillanes sina Captain (Capt.) Nicanor Faeldon, Capt. Milo Maestrecampo, Capt. Gerardo Gambala, at Capt. Gary Alejano 

Ilan sa mga ibinulgar ng Magdalo ay mga umano'y katiwalian sa Armed Forces' Retirement and Separation Benefits System (RSBS) at pagbili ng mga umano'y substandard na gamit ng mga sundalo.

Hiniling din nila ang pagbaba sa puwesto ng noo'y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Pero matapos ang ilang oras na negosasyon, napasuko sila at kinasuhan.

Noong 2007 naman, habang nasa kulungan, tumakbo sa pagka-senador si Trillanes at nagwagi matapos makakuha ng 11 milyong boto.

Pero noong Nobyembre 29, 2007, habang dumadalo sa hearing dahil sa kaniyang kaso sa Oakwood mutiny, nag-walkout sa Makati Regional Trial Court si Trillanes kasama si dating Brigadier General Danilo Lim at naglakad sa kahabaan ng Makati Avenue. 

Kasama ang ilang miyembro ng Magdalo, sinamahan din sila ni dating Vice President Teofisto Guingona. 

Nagkuta ang grupo sa Manila Peninsula Hotel at muling hiniling ang pagbaba sa puwesto ni Arroyo.

Nang mabigo ang negosasyon, nilusob ng puwersa ng pamahalaan ang Manila Peninsula at inaresto sina Trillanes, Lim, at Guingona. 

Noong 2010, ginawaran si Trillanes ng amnesty ng noo'y Pangulong Benigno Aquino III sa bisa ng Proclamation 75, series of 2010, kasama ang iba pang mga sundalong sangkot sa Oakwood mutiny at Manila Peninsula siege.

Disyembre 20, 2010 ay ganap nang pinalaya sa kulungan Trillanes at Enero 5, 2011, nag-apply siya ng amnesty at inako niya ang kanilang ginawa. —Ulat nina Sherrie Ann Torres, Edwin Sevidal, at Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.