Naghain ng notice of strike sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Martes ang ilang regular na empleyado ng PLDT.
Daing kasi ng unyon ng mga PLDT supervisor, mula raw nang mawala ang libo-libong contractual sa kompanya ay trumiple ang workload kaya lagpas na sa walong oras ang trabaho nila kada araw na nagreresulta sa umano'y stress.
Isa na dito si Trini Mayon na sana'y 8 a.m. hanggang 5 p.m. lang ang trabaho sa Sales. Pero simula umano nang mawala ang mga kasamahan nilang contractual, alas-9 ng gabi na siya nakakaalis ng opisina.
High blood din si Mayon kaya nangangamba siya sa epekto ng stress sa kaniya.
Kaya giit nina Mayon at iba pa niyang kasamahan, ibalik ang umano'y nasa 12,000 contractuals, kabilang na ang 7,000 manggagawang iniutos ng DOLE na i-regular.
"Hindi po masasagot ng iilan lamang na mga manggagawang regular 'yung laki at dami ng trabaho ng PLDT kahit maggaling-galingan kami," hinaing ni Charlito Arevalo, presidente ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor (GUTS).
Naniniwala naman ang kompanya na walang basehan ang strike notice dahil wala umano silang labor dispute sa mga supervisor.
Mariin ding itinatanggi ng PLDT na may sinibak silang 12,000 empleyado.
"Any claims of alleged terminations by PLDT of 12,000 workers is absolutely baseless, untrue and malicious," sabi ng kompanya.
Paliwanag nila, ito raw ay galing sa mga service contractor na inutusan ng DOLE na tumigil sa pagbibigay ng serbisyo sa PLDT dahil sa paglabag sa labor-only contracting.
—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, TV Patrol, TV Patrol Top, PLDT, contractual, labor, labor dispute, manggagawa, telco, telecommunication, Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor, GUTS, stress, strike notice