ALAMIN: Ano ang amnestiya?

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2018 04:54 PM | Updated as of Sep 04 2018 09:02 PM

MAYNILA -- Pinawalangbisa nitong Martes ng Malacañang ang amnesty na ibinigay ng gobyerno kay Senador Antonio Trillanes IV.

Ibinigay ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang amnestiya para kay Trillanes at sa iba pang sundalo na sangkot sa Oakwood mutiny noong 2003 at sa Manila Peninsula incident noong 2007.

Pero ano nga ba ang amnestiya?

Ang amnestiya ay ganap na pagpapatawad o paggagawad ng kapatawarang may kondisyon sa mga maysala sa pamahalaan.

Isa ito sa mga kapangyarihang ipinagkakaloob sa pangulo ng 1987 Saligang Batas, pero dapat ay sumang-ayon dito ang mayorya ng Kongreso.

Saad sa Sec. 19, Article VII ng Konstitusyon: "He shall also have the power to grant amnesty with the concurrence of a majority of all the Members of the Congress."

Iba pa ang amnestiya sa ibang maaaring igawad ng pangulo gaya ng reprieve o pansamantalang pagpigil sa nalalapit na parusa, at commutations o pagbawas o pagpapababa sa parusang ibinibigay sa taong maysala.

Ang pangulo ang maglalagda at magpapalabas ng proklamasyon na nagsasaad ng amnestiya.

Ang pangulo rin ang magtatakda ng mga kondisyon ng amnestiya, gaya ng saklaw at epekto. Siya rin ang magtatakda kung paano ito ipoproseso.

Sa ilalim ng Proclamation No. 75, s. 2010, halimbawa, pinag-apply ng amnestiya si Trillanes at ang iba pang mga sundalong sangkot sa 2003 Oakwood mutiny at sa 2007 Manila Peninsula incident sa isang komite sa ilalim ng Department of National Defense.​

Ang naturang komite ring iyon ang nagproseso ng aplikasyon para sa amnestiya.

Nilinaw rin sa ilalim ng Proclamation No. 75 na ang mga krimeng may kinalaman lamang sa 2003 Oakwood mutiny at sa 2007 Manila Peninsula ang maaaring bigyan ng amnestiya, at hindi sakop ang iba pang krimen gaya ng "rape, acts of torture, crimes against chastity, and other crimes committed for personal ends."

Maaari ring isama sa proklamasyon ang mga kondisyon para ma-revoke o mabawi ang amnestiya, gaya halimbawa ng Proclamation No. 1377, s. 2007 na inilabas ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo para sa mga komunistang rebelde.​

Pero sa kaso ni Trillanes, hindi tahasang nakasaad ang mga kondisyon upang mabawi o mapasawalang bisa ang amnestiya.​

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi maituturing na legal ang amnestiya ni Trillanes dahil hindi nasunod ang dalawang kondisyon: ang pagsusumite ng sinumpaang aplikasyon ni Trillanes at sinumpaang pag-amin sa kaniyang paglahok sa kudeta.

Nag-post naman sa social media si Abigail Valte, tagapagsalita ni dating pangulong Aquino, ng mga retrato ng amnesty application ni Trillanes at video ng paghain ng dokumento.

Ayon naman kay Albay Rep. Edcel Lagman, ang tanging paraan lang para mabawi ng pangulo ang amnestiya ay sang-ayunan ito ng Kongreso.

"Amnesty, which obliterates past offenses is final, absolute and irrevocable unlike a presidential conditional pardon," ani Lagman.

Sinabi rin ni Florin Hilbay, dating solicitor general, na pinal ang amnestiya at hindi puwedeng bawiin.

"He cannot unilaterally violate that contract. He has to go to court first, ask for a nullification of that contract before he can declare that the amnesty given to Senator Trillanes was void," ani Hilbay.

Nanindigan ang Malacañang na hindi pamumulitika kundi batas ang pinananaig sa pagpapawalangbisa ng amnesty.

"It is not a question of political opposition. It is a matter of compliance with the law," ani Guevarra.

--Ulat nina Ina Reformina at Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.