Ninoy Aquino International Airport Terminal 3. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
(UPDATED) Inireklamo ang dalawang airport security screener matapos umanong magnakaw ng pera sa isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sinampahan ng kasong theft ang dalawang airport screener habang ang isa naman sa kanila ay may karagdagang kasong unjust vexation matapos magwala habang isinasailalim ng mga awtoridad sa interview.
Gabi ng Huwebes nang ilagay ng isang Taiwanese ang kaniyang dalawang hand-carry na bagahe sa X-ray ng paliparan para sa screening.
Napansin umano niya ang isang airport screener na may kinukuha mula sa kaniyang bag at saka ibinulsa ito.
Hindi na nakapalag ang Taiwanese dahil may hinahabol siyang flight pero nang bilangin umano niya sa eroplano ang perang inilagay sa bag ay nabawasan daw ito ng USD2,600 o higit P137,000.
Nagpatulong ang dayuhan sa kaniyang mga kaibigan para magreklamo sa Manila International Airport Authority (MIAA).
Sa imbestigasyon, inamin ng isa sa mga screener na nakatanggap siya ng $100 bilang balato umano mula sa kasamahan niya pero hindi raw niya alam na ninakaw ito ng kasama.
Itinanggi naman ng isa sa mga screener ang paratang at nagwala nang isailalim sa interview.
Tinanggalan na rin ng access pass ang mga screener para hindi na makapasok sa NAIA.
Pinag-iisipan na ng Office of Transport Security ang mga paraan para hindi na maulit ang kaparehong sitwasyon, tulad ng pagtanggal ng mga bulsa sa mga uniporme ng mga airport screener.
Plano rin nilang magtalaga ng mga magbabantay sa mga screener at titingnan din kung maaaring taasan ang suweldo ng mga ito.
--Ulat nina Apples Jalandoni at Jasmin Romero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, krimen, theft, qualified theft, unjust vexation, MIAA, NAIA Terminal 3, NAIA, Taiwanese, airport screener, pagnanakaw, TV Patrol, Jasmin Romero, Apples Jalandoni