Kasunod ng pagsabog sa Davao, fun run dinagsa

Elric Ayop, ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2016 09:15 AM

MANILA - Hindi nagpatinag ang nasa 2,700 katao sa pagsali sa isang fun run sa Davao City ngayong Linggo, kasunod ng pagsabog na kumitil ng 14 indibidwal sa lungsod nitong Biyernes.

Dakong ala-5 Linggo ng madaling-araw nagtipon ang mga runner sa Palma Gil Street, na bantay-sarado ng mga pulis at bomb-sniffing dogs.

Kinapkapan ng mga awtoridad ang mga kalahok bago payagang makapasok sa registration area. Mahigpit ding ipinagbawal ang pagdadala ng mga bag.

Ayon sa organizer na si Benjamin Banzon, sa kabila ng pagsabog noong Biyernes ay mas dumami pa ang bilang ng mga runner kaysa sa inaasahang 2,000 kalahok.

Patuloy namang ang paghihigpit ng seguridad sa iba pang barte ng lungsod.