3 umano'y hitman patay sa engkwentro; 'salvage victim' nakita sa kanilang sasakyan

Hajji Kaamiño, DZMM

Posted at Sep 04 2016 08:29 AM | Updated as of Sep 04 2016 09:01 AM

MANILA - Tatlong hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group ang napatay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa C-5 extension road sa Las Piñas, Linggo ng madaling-araw.

Nakita sa sasakyan ng mga suspek ang bangkay ng isang hinihinalang biktima ng summary execution.

Ayon sa pulisya, dumaan ang sasakyan ng mga suspek sa isinagawa nilang checkpoint sa lungsod, ngunit imbes na huminto ay pinaputukan umano sila ng mga ito.

Agad namang inalarma ng mga pulis ang kanilang mga kasamahan na siyang humabol sa sasakyan ng mga suspek.

Nauwi sa engkwentro ang insidente, dahilan ng agarang pagkamatay ng mga suspek.

Sa loob ng sasakyan ng tatlong napatay, natagpuan ang bangkay ng isang lalaking nakabalot ng packing tape ang mukha.

Katabi ng lalaki ang karatulang may katagang, "Tulak ako, magnanakaw ako, 'wag tularan."

Narekober din mula sa mga suspek ang tatlong baril, dalawang pakete ng hinihinalang shabu, at mga karton at taling maaaring ginagamit sa "salvaging."
    
Tumanggi muna ang mga awtoridad na isiwalat ang pagkakakilanlan ng mga suspek batay sa mga ID na nakuha sa kanila.