Sanggol na sakay ng tricycle patay sa aksidente

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2022 12:06 PM

Babala: May detalye sa artikulong ito na maaaring hindi angkop sa lahat ng magbabasa.

Nasawi ang isang taong gulang na batang babae nang mahulog sa sinasakyang tricycle matapos mabitiwan ng naghahawak na kapatid sa J. Sumulong Ave., Brgy. Bagumbayan, bayan ng Teresa, Rizal Biyernes ng umaga.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Teresa police, na dakong alas 10:30 ng umaga, sakay ng kanilang tricycle na minamaneho ng padre de pamilya ang mag-anak at tinatahak ang highway ng biglang mahulog ang bata mula sa loob.

Ayon sa Teresa police, magkaangkas sa motorsiklo ang mag-asawa at ang tatlong magkakapatid na bata ang nasa loob ng sidecar.

Isa sa mga batang kapatid ang may hawak sa biktimang nalaglag sa hindi malamang dahilan.

Bumagsak sa kalsada ang bata at sa kasamaang-palad ay nasagasaan pa ito ng kasunod na pampasaherong jeep.

Isinugod pa sa ospital ang bata pero idineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Kinustodiya ng Teresa police ang tatay ng biktima at driver ng jeep para alamin kung may pananagutan ang mga ito sa pangyayari. – Ulat ni Ronilo Dagos

MULA SA ARKIBO

Watch more News on iWantTFC