P91-M PhilHealth claims ng ospital sinisilip dahil sa 'fake medical missions'

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2020 08:13 PM | Updated as of Sep 03 2020 11:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang mga kuwestiyonableng PhilHealth claims, kabilang ang isang ospital na nakapag-claim umano ng P91 milyon dahil sa mga pekeng medical mission sa probinsiya.

Noong 2014, inireklamo ni Mayor Julius Lobrigas ng Siocon, Zamboanga del Norte sa PhilHealth ang Eastern Sun Medical Diagnostic Center sa lalawigan.

Nagsumbong kasi sa kaniya ang mga residenteng PhilHealth member na pinalabas ng naturang ospital na may sakit sila sa isang medical mission kahit wala naman.

"'Yong mga pasyente kinukuha nila sa iba't ibang mga munisipyo... 'yong iba, hindi naman totoo daw na may sakit sila, basta kahit 'yong sumasama lang, nilalagyan nila ng dextrose," ani Lobrigas.

Nasa 30 hanggang 60 ang hinahakot daw sa pekeng medical mission 3 beses sa isang linggo.

Dumayo si Lobrigas sa PhilHealth main office pero nadismaya dahil wala umanong aksiyong ginawa ang ahensiya.

"Ilang beses ako pumunta doon sa PhilHealth, pinagpasa-pasa lang nila ako," aniya.

Nagkaroon lang umano ng aksiyon nang deretsong nagsumbong si Lobrigas sa Department of Health at napasara ang ospital.

Umusad na lang din ang imbestigasyon ng PhilHealth nang pumasok ang NBI at sinampahan ng syndicated estafa ang mga opisyal ng ospital, kabilang ang may-ari na dating mayor ng bayan, noong isang taon.

"Ang dami-dami nang complaint tungkol doon, pati DOH, mga PhilHealth, pero walang ni isang criminal case na naisampa laban sa kaniya, puro na lang admin, administrative case," ani Jonimar Tongdo, agent on case mula NBI Western Mindanao.

Pero ayon kay Lobrigas, may pananagutan ang PhilHealth at mga doktor kung bakit in-accredit ng PhilHealth ang ospital, kung saan umabot nang 5 taon ang modus.

Kapansin-pansin din daw ang pag-akyat ng PhilHealth claims na nakuha ng ospital, na umabot ng P91 milyon.

Mula 2013 hanggang 2014, umakyat nang higit P38 milyon ang nakuha ng ospital.

Dati nang inireklamo ng NBI ang pagtanggi ng PhilHealth na buksan ang kanilang records.

Pero ayon kay dating NBI director at ngayo'y hepe ng PhilHealth na si Dante Gierran, bubusisiin ang naging mga transaksiyon ng mga ospital at PhilHealth.

"Ibibigay natin lahat ng mga dokumentaryo. Why will I suppress evidence? Gusto ko naman talaga malaman ang totoo," ani Gierran.

Aayusin din daw ang sistema kung saan dapat patas ang pagproseso ng PhilHealth claims ng lahat ng mga osptial.

"Titingnan natin kung sino 'yong mga ospital na matagal nang hindi nabayaran kasi kawawa naman sila. Titingnan din natin 'yong mga ospital na ang bilis ng bayad, siguradong may korapsiyon 'yon," ani Gierran.

Sa mensaheng pinadala ng staff ni dating mayor Cesar Soriano, na may-ari ng Eastern Sun Medical Diagnostic Center, sinabi nitong naipaliwanag na sa PhilHealth ang mga akusasyon.

Tumanggi rin munang magbigay ng panayam si Soriano dahil masama ang pakiramdam niya.

Nasa higit 20 medical facilities ang iniimbestigahan ng NBI dahil sa mga kuwestiyonableng PhilHealth claims, bukod pa sa mga ospital na sinisilip dahil sa korupsiyon.

Sa pagkakatalaga ni Gierran sa PhilHealth, umaasa ang NBI na mapapabilis ang kanilang imbestigasyon.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.