PatrolPH

Ilang LSI sa Libingan ng mga Bayani ‘nananamantala’: Hatid Tulong

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2020 07:47 AM | Updated as of Sep 03 2020 08:07 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA —  “Nananamantala sa sitwasyon” ang ilang locally stranded individuals (LSI) sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig, ayon sa tagapamahala ng programa ng gobyerno na tutulong sana sa kanilang makauwi sa probinsya.  

Nasa 400 katao ang nananatili sa naturang sementeryo, na hindi naman dapat tanggapan ng mga LSI, ayon kay Hatid Tulong program lead convener Joseph Encabo.  

Dapat aniya’y sa kalapit na Villamor Airbase tutuloy ang mga LSI, pero dahil sa sobrang dami ng mga ito, napilitan ang iba na sa Libingan ng mga Bayani manatili.

“Supposedly lilinisin na sana ‘yan d’yan, paaalisin na. Kaso nga, itong mga indibidwal na nagbabakasakali, talaga pumupunta doon. Hindi ko masabi kung nagpapansin o talagang sinasadya o talaga bang sila’y LSI,” sabi ni Encabo, Assistant Secretary ng Presidential Management Staff.

Nagkaroon aniya ng random profiling ang mga awtoridad sa mga LSI nitong Miyerkoles.  

“To be honest with you, may napapansin po talaga kami na iyong iba, nananamantala sa sitwasyon dahil alam naman po namin may mga kakayahan. Unang tingin pa lang, talagang taking advantage of the situation,” sabi ni Encabo.

“Sa gamit pa lang, sa mga suot, may iba pang may magagandang jewelry—hindi namin maintindihan bakit ganoon. Sa prangkahan na pananalita, talagang ito’y mga taong nanamantala sa sitwasyon dahil gusto lang siguro talaga nila ng libreng sakay,” dagdag niya.

Kinausap na aniya ng mga awtoridad ang mga LSI at pinangakuang tutulungan silang makakuha ng mga ticket pauwi ng probinsya, kung may kakayahan naman silang bumili nito.  

Dadagdagan din aniya ng mga awtoridad ang temporary shelters sa libingan, maghahanap ng ibang lugar kung saan sila puwedeng dalhin ang mga LSI, at bibigyan sila ng hygiene kits.

“Hindi naman din namin puwedeng pabayaan iyan, pero hindi rin madali sa parte ng Hatid Tulong initiative na mapabilis namin agad, o makakita agad ng mga temporary shelter dahil kami’y dapat magpaalam sa mga ahensya, kung sino man ang namamahala roon,” ani Encabo.

“Ayaw naman namin na biglaan na lang pumasok sa isang lugar na walang koordinasyon at pagpaalam… Patuloy po ang aming gala at pagsisikap na itong mga LSIs na ito ay mabigyan talaga ng sapat na tulong habang sila’y naghihintay,” sabi niya.

Gayunman, hindi pa aniya tapos ang quarantine period ng mga driver at iba pang tauhan ng pamahalaan na naghatid sa mga naunang batch ng LSI, na sila ring maghahatid sa kasalukuyang batch.

“Sana naman po sa mga LSI, intindihin din nila ang sitwasyon, kung anong magiging kahinatnan at kalalabasan kapag sila’y pumunta doon nang walang abiso sa atin,” apela ni Encabo.

“Kung pangungunahan nila ang sitwasyon, ang resulta nito’y  talagang sila ay magiging mga tao sa labas ng kalsada.” 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.