Driver na nakabundol, nakapatay ng nars sa Maynila, sumuko na

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2020 03:39 PM

MAYNILA - Sumuko na at humingi ng tawad ang driver ng kotseng nakasagasa sa isang nars sa lungsod ng Maynila, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno nitong Huwebes.

Humarap sa publiko si Mohammad Ali Sulayman na siyang nagmamaneho ng pickup truck na tumakas matapos mabundol at mapatay ang nars na si Renz Perez noong Agosto 23 sa kalye ng Padre Burgos sa Maynila.

Nagbibisikleta ang biktima nang mangyari ang insidente. Maraming health workers ang gumagamit ng mga bisikleta para makapunta sa trabaho at makauwi sa gitna ng hirap ng transportasyon dulot ng pandemya.

"Gusto ko lang pong humingi ng paumanhin sa nagawa kong aksidente at ako ay hindi muna lumitaw, ako ay nadala sa aking takot at ako'y naghahanap muna ng malalapitan na puwedeng tumulong sakin," aniya.

"Humihingi po ako ng paumanhin at kapatawaran sa nagawa kong aksidente. Sana mapatawad niyo 'ko sa aking nagawang kasalanan," mensahe niya sa pamilya ng biktima."

Nauna nang lumutang ang may-ari ng kotse na kapatid ng driver, ayon kay Moreno.

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.