4 tiklo sa magkahiwalay na buy-bust sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2020 05:35 AM | Updated as of Sep 03 2020 06:29 AM

MAYNILA - Timbog ang "top 2 drug personality" ng Northern Police District at tatlong miyembro ng "Onie Drug Group" sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan nitong Miyerkoles.

Ayon kay Police Capt. Ramon Acquiatan, hepe ng NPD-Drug Enforcement Unit, nahuli ang top 2 drug personality sa buy-bust operation sa Julian Felipe St., Brgy. 8, Caloocan. 

Kinilala ang suspek na si "Jason", 24, na nahulihan ng 13 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 65 grams at nagkakahalaga ng P442,000.

Naaresto naman ang mga miyembro ng Onie Drug Group sa parking lot ng Old Victory Compound, Brgy. 72 matapos magkunwaring drug buyer ang isang operatiba.

Nakumpiska mula sa tatlo ang 105 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga nang P714,000.

Nag-ugat ang mga operasyon ng NPD-DEU matapos mahuli ang "top 1 drug personality" at leader ng Onie Drug Group na si si Renato "Kalugar" Perez.

Kakasuhan ng mga paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nahuling suspek.--Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.