Sanggol na dinukot sa Misamis Oriental, naibalik na sa pamilya

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 02:22 AM

Gingoog City Information Office

MISAMIS ORIENTAL—Naibalik na sa kaniyang pamilya Lunes ng gabi ang bagong silang na sanggol na dinukot sa loob ng birthing clinic sa Gingoog City, Misamis Oriental.

Iniwan ang bata malapit sa kulungan ng baboy na pagmamay-ari ng mag-asawang Regidor at Nancy Precillas sa Barangay 19 pasado alas-6 ng gabi, ayon kay Police Lt. Col. Philip Ariel Pontillas, hepe ng Gingoog City Police Station.

Dinala ng mag-asawa sa police station ang sanggol dahil alam nilang may batang dinukot nitong Linggo.

Dumating naman sa police station ang nanay ng sanggol na si Marichu Villegas at dinala rin sa hospital ang bata para ma-check-up.

Pinaghahanap pa rin ng pulisya ang babaeng tumangay ng bata.

Watch more in iWant or TFC.tv

Gingoog City Police Station

Isinilang ang sanggol Agosto 30 ng gabi ngunit paggising ni Villegas wala na ito sa kaniyang tabi.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, makikita ang isang babae na buhat ang bata habang palabas ng center.

Naglabas na ang pulisya ng facial composite ng babae base sa paglalarawan ng ilang testigo.

Nakasuot ang babae ng face mask, itim na jacket at brown na short pants. May taas ito na 5'5" at may maikling buhok.

Nanawagan naman ang pulisya sa mga nakakakilala o nakakita sa babae na ipagbigay-alam sa kanila ang kinaroroonan nito sa pamamagitan ng pagtawag o pag-text sa cellphone number na ito: 09177917575.—Ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.