'Polio posibleng bumalik sa bansa sa pagkaunti ng mga nagpapabakuna'

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 12:11 AM

MAYNILA —Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagbabalik ng polio sa bansa kapag nagpatuloy na bumaba ang bilang ng mga nagpapabakuna laban sa sakit.

Higit 20 taon nang polio-free ang Pilipinas, pero ayon sa DOH, may pangambang babalik ulit ang sakit sa bansa.

Base sa datos ng DOH, nasa 66 porsiyento lamang ng target population ang nagpabakuna ng third dose ng oral polio vaccine (OPV) noong nakaraang taon, samantalang nasa 95 porsiyento ang kailangan para masigurong protektado ang mga Pilipino laban sa polio.

"May vaccine hesitancy talaga. Maraming magulang ang natakot dahil sa mga nakaraang kontrobersiya," ani Health Secretary Francisco Duque III.

Dagdag pa ni Duque, nagpositibo sa vaccine-derived polio ang isang imburnal sa Maynila kaya pinag-iingat ang publiko, lalo na ang mga batang edad 5 pababa.

Ang polio ay isang nakakahawang sakit na ang ilan sa mga sintomas ay lagnat, panghihina ng katawan, pagsusuka, stiff neck, pangangalay ng mga kamay at paa.

Maaaring mauwi ito sa pagkaparalisa o pagkamatay ng pasyente. Kaya payo ng DOH, magpabakuna ng libre laban sa polio at siguruhing naghuhugas ng kamay at laging malinis ang katawan at kapaligiran.—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.