Higit 100 kabataan dinampot dahil sa paglabag sa curfew sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 05:31 AM | Updated as of Sep 03 2019 06:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Dinampot ng mga awtoridad sa magdamag ang higit 100 kabataan dahil sa paglabag sa mas pinaigting na pagpapatupad ng curfew sa Maynila.

Sa ilalim ng Ordinance No. 8547, ipinagbabawal ang paggala ng mga may edad 17 pababa sa mga pampublikong lugar simula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Sa Sta. Cruz, isinakay sa mobile ng barangay ang mga nahuling kabataan. Nasasangkot umano sa gulo ang ilang kabataan kapag nasa labas, ayon sa ilang opisyal.

Dagsa naman sa Raxabago Police Station sa Tondo ang mga magulang ng mahigit 100 lalaki at babae na dinampot dahil sa curfew.

Katuwiran ng ilang magulang, inutusan lang nila ang mga anak na bumili ng gamot o pagkain. Ilan naman sa mga kabataan ay nahuli sa mga computer shop at tambayan.

Aminado rin ang ilang magulang na kagabi lang nila nalaman ang kautusan ng Manila City Hall, pero noong isang taon pa inilabas ang ordinansa ukol sa curfew.

Ayon kay Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, hepe ng Raxabago Police Station, hindi sapat ang dahilan ng mga magulang.

Mahigpit na ring ipatutupad ang isa pang dating ordinansa na nagpapataw ng multa at pagkulong sa mga magulang ng mga batang mahuhuli sa curfew. Tumitindi ang parusa batay sa edad ng mga bata.

Pero para sa mga nahuli sa una o pangalawang pagkakataon, paalala o warning na muna ang ibibigay sa mga magulang.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.