Dumukot sa sanggol sa Misamis Oriental arestado

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 04:23 PM

Ipipresenta sa tanggapan ng alkalde ang suspek na dumukot sa sanggol. Angelo Andrade, ABS-CBN News


Hawak na ng awtoridad ang lalaking dumukot sa bagong silang na sanggol mula sa isang birthing center sa Gingoog City kamakailan. 

Ayon sa mga pulis, kamag-anak pala ng 20 anyos na suspek ang mag-asawang nagsauli sa sanggol Lunes ng gabi.

Una nang sinabi ng mag-asawa na natagpuan ang sanggol malapit sa kulungan ng baboy pero kalaunan ay umamin din sila na ibinigay ng suspek sa kanila ang bata upang isauli.

“Parang nakonsensiya siya dahil na rin sa information operation namin para matulungan kami na ma-locate ang whereabouts of the baby and suspek,” sabi ni Police Lt. Col. Ariel Pontillas, hepe ng Gingoog City Police Office.
 
Inamin naman ng suspek na tinangay niya ang sanggol dahil sa kagustuhang magka-anak upang hindi iwanan ng kaniyang boyfriend.

“Akala ko magtatagal relasyon namin 'pag mayroon kaming anak,” sabi ng suspek.

Nagsisisi naman ito sa nagawa at humingi na ng tawad sa pamilya ng sanggol.

Aminado ang alkalde ng lungsod sa pagkukulang sa seguridad ng mismong health center.

“I already instructed the City Health Officer to allocate funds for the installation of CCTV and to strengthen the security doon sa center,” sabi ni Gingoog City Mayor Erick Cañosa.

Pinangalanang Ericka dela Peña ang sanggol, sunod sa pangalan ng alkalde ng lungsod.

“Hindi ko na talaga akalaing mababalik pa siya. Maraming salamat sa mga pulis at kay mayor,” sabi ni Marichu Villegas, ina ng bata.

Ihinahanda na ng mga pulis ang kasong abduction at serious illegal detention laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.