ALAMIN: Proseso sa pagpapalaya ng preso sa ilalim ng GCTA law

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 05:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umani ng batikos kamakailan si Bureau of Corrections chief Nicanor Faeldon matapos lumutang ang mga balitang inaprubahan niya ang paglaya ng convicted killer-rapist na si Antonio Sanchez dahil sa "good conduct" nito.

Si Sanchez ang dating mayor ng Calauan City, Laguna na nahatulang guilty sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta, at pagpatay sa kasamahan nitong si Allan Gomez noong 1993.

Umugong ang balita ng paglaya ni Sanchez nitong nakaraang buwan sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA) law o Republic Act 10592 sa kabila ng 7 counts ng parusang reclusion perpetua. 

Ayon sa abogadong si Noel Del Prado, may mga opisyal na nakatoka at nagbabantay kung tama nga ba ang komputasyon ng GCTA. 

Mayroon aniyang tinatawag na "time allowance supervisor" na sa bawat piitan ay babantayan ang paglahok ng mga preso sa mga reformation activity sa pasilidad at magtatala ng gagawin nilang "good behavior." 

Susuriin naman ng management, screening, and evaluation committee (MSEC) kung talaga nga bang dapat palayain ang isang preso. 

"Mayroong time allowance supervisor. Ibig sabihin, record ng mga inmates. At bukod diyan mayroong screening committee... iaakyat doon sa MSEC at bago pa ito, pipirmahan, ihahain sa Bureau of Corrections, sa Director General," ani Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM. 

Matapos nito, ihahain na sa Bureau of Corrections ang mga dokumento, na siyang pipirmahan ng director general, ang posisyong hinahawakan ngayon ni Faeldon. 

Sa unang dalawang taong nakapiit, 20 araw ang ibinabawas sa bawat buwan na nagpapakita ng "good behavior." 

Aabot naman ng 23 araw ang ibinabawas sa sentensiya ng ikatlo hanggang ikalimang taon nang nakapiit kapag nagpakita ng "good behavior." 

Samantala, 30 araw ang ibinabawas sa bawat buwan na nagpakita ng "good behavior." 

May bawas pang 15 araw sa sentensiya kapag nag-aral o nagturo habang nakapiit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.