1 patay, 22 pamilya inilikas sa pagbaha sa Misamis Oriental at CDO

Joey Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 12:15 PM

Binaha ang mga heavy equipment na pagmamay-ari ng Road Edge Trading habang nasa construction area para sa road widening project sa bayan ng Villanueva sa Misamis Oriental dahil sa matinding pagbaha na naranasan sa lugar. Larawan mula sa Road Edge Trading

Isa ang patay habang 22 pamilya ang lumikas dala ng pagbaha sa Misamis Oriental at Cagayan de Oro nitong Lunes.

Nakilala ang nasawi na si Renan Quilang, 38 anyos, matapos anurin habang nangangahoy sa gilid ng ilog sa Purok 2, Barangay Kimaya sa bayan ng Jasaan sa Misamis Oriental.

Agad namang natagpuan ang bangkay nito matapos ang ilang oras.

Sa evacuation center naman sa Barangay Dayawan sa bayan ng Villanueva natulog ang 19 na pamilya na lumikas mula sa tatlong barangay.

Kabilang sa mga tumungo sa evacuation center si Joshua Ubanan, kasama ang kaniyang asawa at 3 anak.

Aniya, nagdesisyon siyang 'wag nang pumasok sa trabaho bilang labor ng isang construction company Lunes dahil sa malakas na ulan.

"Mabuti na lang 'di na ako tumuloy sa trabaho, nailigtas ko ang pamilya ko," sabi ni Ubanan.

Ilang minuto lang matapos lumikas, inanod ng malaking baha ang bahay nila malapit sa sapa sa Barangay Lower Dayawan.

"Hindi bahain ang mga lugar na ‘yan, kaya posibleng dahil talaga ‘yun sa buhawi," sabi ni Norman Ricacho, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office

Sa Cagayan de Oro City naman, tatlong pamilya ang lumikas mula sa Zone 4, Barangay Bugo.

Sa barangay hall sila pansamantalang tumuloy dahil sa hanggang bewang na baha sanhi pa rin ng naranasang malakas na pag-ulan.

Mabilis namang humupa ang baha makalipas ang dalawa hanggang tatlong oras.

Binaha rin ang ilang kalsada sa Puerto Public Market.

Ayon sa PAGASA, ang malakas na hangin at ulan ay dulot ng tropical storm Liwayway na nagpalakas sa hanging habagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.