SAPUL SA CCTV: Lalaki, tinangay ang TV, gadget, beer ng cafe sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2018 07:59 PM | Updated as of Sep 03 2018 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila nag-shopping ang isang lalaki na nakuhanan ng CCTV sa isang cafe sa Santa Cruz, Laguna habang isa-isang binitbit palabas ang telebisyon, gadgets, cash, at pati beer ng establisimyento.

Nagsampa nitong Lunes ng kasong robbery ang biktimang may-ari ng cafe laban sa 24 anyos na suspek na si Donald Mapa Oca.

Sa kuha ng CCTV sa insidente noong Agosto 21, mapapanood na pumasok ang lalaki sa kasasara lamang na cafe pasado alas-9 ng gabi.

Higit dalawang oras tumagal ang lalaki sa loob ng cafe.

Pagkapasok sa loob ng cashier area, ginamit niyang pang-ilaw ang ninakaw na cellphone habang hinahalughog ang mga lalagyan.

Nag-ikot pa ang lalaki sa kusina hanggang sa makakuha ng P2,000 cash at beer.

Dinestrungka niya rin ng 40-inch flat screen TV at ipinatong sa mesa habang hinanap ang remote control.

Nahuli si Oca noong Agosto 25 sa ibang barangay sa kasong trespassing at illegal possession of deadly weapon.

Sa panayam kay Oca, inamin nito na kumita siya sa mga nanakaw na gamit.

Hinikayat naman ng Santa Cruz police ang iba pang mga biktima ni Oca na lumantad at magsampa rin ng kaso. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.