PatrolPH

Pier sa Masbate, muling binulabog ng pagsabog

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2018 01:36 PM

Higit isang buwan matapos bulabugin ng isang pagsabog, muling niyanig nitong madaling araw ng Lunes ng kaparehong insidente ang Masbate port sa Barangay Bapor, Masbate City.

Nasabugan ang isang fiberglass speedboat na ibinigay ng militar sa lokal na coast guard at isang aluminum boat ng Masbate Coast Guard unit.

Base sa imbestigasyon, isang improvised explosive device (IED) ang iniwan malapit sa mga napinsalang sasakyang pandagat.

Wala namang naiulat na sugatan sa insidente.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pagsabog.

Magugunitang noong Agosto 2 ay isa ring pagsabog ang umalingawngaw sa isang tulay sa pier site sa Barangay Bapor.

Sinibak din ni Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde nitong Lunes ang hepe ng pulisya sa Masbate dahil sa mga pagsabog.

Kasama ring sinibak ang hepe ng pulisya ng lalawigan ng Sultan Kudarat at bayan ng Isulan, Sultan Kudarat dahil sa pagsabog naman na naranasan noong gabi ng Linggo sa naturang bayan.

--Ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.