Pagsabog sa Isulan, 2 na ang pinatay

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2018 01:32 PM | Updated as of Sep 03 2018 09:00 PM

  • Isulan blast, sinisisi sa 'breakaway' ng BIFF; BIFF dumistansiya

  • Hepe ng pulisya sa Isulan at sa Sultan Kudarat, sinibak

MAYNILA -- Umakyat sa dalawa ang bilang ng mga nasawi sa pagsabog na yumanig nitong gabi ng Linggo (Setyembre 2, 2018) sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat.

Bandang alas-11 ng umaga nitong Lunes nang bawian ng buhay ang 15 anyos na si Marialyn Luda matapos makaranas ng cardiac arrest habang inooperahan dahil sa mga sugat na natamo niya sa pagsabog, ayon sa pamilya ng biktima.

Watch more in iWant or TFC.tv

Si Marialyn ang pinsan ng 19 anyos na si John Mark Luda na idineklarang dead on arrival nang isugod sa ospital matapos ang pagsabog. 

Sinamahan ni John Mark ang pinsan sa intezrnet cafe para gumawa ito ng proyekto, ayon sa mga kaanak, nang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa loob ng establisimyento.

Hindi naman bababa sa 13 ang bilang ng mga sugatan.

Nangyari ang pagsabog sa internet cafe ilang araw lang matapos ang isa ring pagsabog sa mismong bayan din ng Isulan, kung saan iniwan ang isang bag na naglalaman ng improvised bomb malapit sa isang grocery.

Tatlo katao ang nasawi sa pagsabog noong Agosto 28, 2018.

Ayon naman kay Isulan Mayor Marites Pallasigue, posibleng marami pa ang nadisgrasya kung hindi nakita ang isa pang IED sa labas ng establisimyento na katabi ng nasabugang internet cafe.

Wala pang umaako ng responsibilidad sa nangyari noong Linggo bagaman pinaghihinalaan ng mga awtoridad na may kinalaman dito ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na iniuugnay sa teroristang grupong Islamic State, o isang breakaway group nito. 

"It is the BIFF who is responsible [Ang BIFF ang responsable]," sabi noong Linggo ni Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng 6th Infantry Division ng militar.

Itinanggi naman ng BIFF ang paratang.

"Nakakakapgtaka talaga kung bakit sa lahat ng baho dito sa Mindanao ay dito ibinibintang sa Freedom Fighters," ani Abu Amir, tagapagsalita ng BIFF Karialan Faction.

Pagsabog sa Masbate

Sinibak ni Philippine National Police (PNP) chief Director Oscar Albayalde ang mga hepe ng kapulisan sa probinsiya ng Sultan Kudarat, sa bayan ng Isulan, at sa probinsiya ng Masbate - kung saan nagkaroon naman ng pagsabog Lunes ng umaga.

Isang panibagong pagsabog ang yumanig sa pier sa Masbate, na binulabog din ng pagsabog noong nakaraang buwan.

Walang naiulat na nasaktan sa bagong insidente sa Masbate, pero nagkaroon ng sira sa dalawang nakadaong na sasakyan ng gobyerno, ayon sa pulisya.

Isa rito ang fiberglass speedboat na ibinigay sa lokal na coast guard ng military.

Ang isa ay bangkang aluminum ng Masbate Coast Guard unit.

Ayon sa Malacañang, batid na ni Pangulong Rodrigo Duterte — na nasa bansang Israel para sa official visit — ang nangyaring panibagong pagsabog sa Isulan.

Nalulungkot ang Palasyo sa naging pagsabog sa Isulan, sabi ni presidential spokesperson Harry Roque Jr.

Ikinalungkot din ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nangyari at inihayag ang kanilang pagkabahala sa posibleng epekto nito sa Bangsamoro Organic Law.

"It can affect really 'yong pag-conduct ng plebisito at saka naha-hamper 'yong situation dito sa atin," ani Mohagher Iqbal, chairman ng MILF implementing panel.

Layon ng Bangsamoro Organic Law na palawigin ang kapangyarihan ng mga Muslim sa Mindanao na pamahalaan ang kanilang rehiyon. Inaasahan din itong magbibigay daan sa pagwawakas ng mga hidwaan doon.

--May ulat nina Jay Dayupay at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.