Inang 'bitbit ang anak sa pagtutulak,' 10 iba pa, timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2018 05:41 PM | Updated as of Sep 03 2018 09:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang ina na ginagamit umano ang kaniyang anak sa pagbebenta ng droga ang nahuli nitong Lunes kasama ang 10 pang iba sa isang operasyon ng mga pulis ng Meycauayan kontra droga.

Sinalakay ng mga pulis ang isang kubol sa Barangay Malhacan, Meycauayan na pinupuwestuhan umano ng mga gumagamit ng shabu.

Nahuli ang grupo matapos silang inguso ng kanilang supplier na naaresto naman noong Sabado.

Kabilang sa mga nahuli ang isang ina na bitbit pa ang kaniyang dalawang taong gulang na anak, na ayon sa pulisya ay isinasama niya habang nangangalakal umano ng droga.

"Ito kasi kapag bibili ka sa kaniya ng 'bato', hawak niya 'yong bata so 'di mo siya ma-identify na nagbebenta talaga ng droga," ani Meycauayan police chief Superintendent Santos Mera.

Itinanggi ng ina ang pagbebenta ng droga pero inamin niyang gumagamit siya nito bilang pangontra umano sa kulam.

Pumalag pa ang ina sa istasyon ng pulis habang kinukuha sa kaniya ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang anak dahil hindi ito maaaring isama sa kulungan.

Kasama rin sa 11 naaresto ang dalawang menor de edad na aminadong gumagamit ng shabu.

Limang sachet naman ng hinihinalang shabu ang nakuha sa grupo.

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ibibigay naman sa DSWD ang mga menor de edad.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.