MAYNILA -- Sumulat na kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga magulang ng umano’y drug mule na si Mary Jane Veloso na 12-taon nang nakapiit sa Indonesia.
Personal na nagtungo sa opisina ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Mandaluyong City si Cesar Veloso, ama ni Mary Jane, para sana iabot kay Secretary Susan “Toots” Ople ang kanilang liham para sa Pangulo.
Apela nila kay Marcos, makiusap na mapalaya ang kanilang anak sa pamamagitan ng pakikiusap kay Pangulong Joko Widodo ng Indonesia.
Si DMW spokesman Toby Nebrida ang humarap kay Veloso na nangakong ipararating sa Pangulo ang apela ng mga ito.
Sabi ni Veloso, umaasa silang makakasama sa pagbiyahe ni Marcos sa Indonesia ang kanilang apela kay Widodo.
“Sana po tulungan niya po ang aking anak, kausapin niya po si Presidente Widodo na bigyan na po ng clemency o patawad sa aking anak dahil 12-taon nang nakakulong. Sana pag-uwi po niyo mahal na Pangulo, kasama na niyo ang aking anak,” panawagan ni Veloso.
Sa liham ng mag-asawang Veloso, binigyang diin ng mga ito na napilitan lamang lumabas ng bansa ang anak na si Mary Jane dahil sa kahirapan at sa pagnanais nito na mabigyan ng magandang buhay ang mga anak.
Biktima lang anila ng human trafficking si Mary Jane na anila’y tinaniman lang ng ilegal na droga sa dala nitong maleta noong 2010.
Nahatulan si Mary Jane ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad.
Sabi ni Joanna Concepcion, tagapagsalita ng Migrante International, suportado nila ang panawagan ng pamilya Veloso kay Marcos lalo’t matagal na rin naman anilang kinilala ng Department of Foreign Affairs na biktima lang ng trafficking si Veloso.
“He must raise the issue as a priority issue sa Indonesian government. Ang Pangulo lang po ang tanging may kapangyarihan na makahingi ng clemency para kay Mary Jane Veloso, binanggit ng DFA sa budget hearing… kinikilala nila na biktima si Mary Jane Veloso ng human trafficking, wala po siyang kasalanan,” sabi ni Concepcion.
Naglabas din ng sama ng loob si Veloso sa mga nakalipas na administrasyon kung bakit tumagal ang kaso ng anak at nanatili itong nakakulong sa Indonesia.
Sabi ni Veloso, pinagpasa-pasahan sila noon ng mga tauhan ng mga dating pangulong Noynoy Aquino at Rodrigo Duterte.
Bagamat hindi ang DMW ang lead agency ng gobyerno para makatulong sa kaso ni Veloso, sinabi ng tagapagsalita ng ahensiya na handa silang tumulong sa abot ng kanilang makakaya.
“Kinikilala natin ang pagdulog ni tatay Cesar dito sa aming tanggapan. Nakikiisa kami sa kanilang sitwasyon... Pinapangako po namin na ihahatid natin ito sa Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang ito ay gawing bahagi at pangunahing punto na tatalakayin sa kanyang pagbisita sa Indonesia,” sabi ni Debrida
Kinumpirma ni Nebrida na kasama sa opisyal na delegasyon ni Marcos sa Indonesia si Secretary Ople.
RELATED VIDEO
Mary Jane Veloso, DMW, POEA, DFA, Bongbong Marcos, Indonesia, drug mule, human trafficking, Joko Widodo, Widodo