PatrolPH

Lalaking nanghabol ng taga sa bus terminal sa Davao del Norte, arestado

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2021 02:30 AM

Nagkagulo at nagtakbuhan ang mga tao sa Tagum Overland Transport and Integrated Terminal sa Davao del Norte noong Linggo ng hapon nang sinubukang pagtatagain sila ng isang lalaki.

Makikita sa video ni Regyn Sumbe ang lalaking hinahabol at muntik nang tamaan ng itak ng suspek na kinilala ng Tagum City Police na si Jay-ar Alegarbes, 30 taong gulang.

Watch more on iWantTFC
Video courtesy of Regyn Sumbe

Sinubukan namang hampasin ng upuan ang suspek, pero hindi ito tinamaan at tuloy sa paghahabol ng mga tao sa terminal.

Ayon kay Police Major Anjanette Tirador, deputy chief ng Tagum City Police, walang naitalang sugatan sa insidente at nahuli nila ang suspek.

Aniya, kinasuhan na nila ito ng alarm and scandal.

Noong Hulyo, nakunan din ng video ng isang pasahero ng bus ang lalaking biglang nanuntok sa mga tao sa loob din ng nasabing bus terminal.

- ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.