Van na sinubukang umiwas sa motor bumangga sa barrier sa QC

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2020 10:17 AM

Inararo ng isang van ang mga concrete at plastic barrier sa EDSA Southbound bago umakyat ng Quezon Avenue flyover sa Quezon City umaga ng Miyerkoles. 

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority EDSA traffic chief Bong Nebrija, iniiwasan ng driver na si Roy Gallas ang isang nakamotorsiklo, dahilan para mawalan ng kontrol at tuluyang sumalpok sa separator pasado alas-5 ng umaga.

Sa tindi ng pagkakabangga, nabasag ang windshield at nayupi ang harapang bahagi ng sasakyan habang nasira rin ang mga concrete at plastic barrier pati na ang see-thru fence.

Wala namang nasugatan sa aksidente pero nagdulot ito ng bahagyang pagbagal ng daloy ng trapiko sa lugar.

Balik-normal na ang daloy ng trapiko.

Dinala na sa traffic sector ang driver para maimbestigahan.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.