US Marine sa transpinay slay pinapalaya na dahil sa 'good conduct'

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2020 08:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ipinag-utos ng isang korte sa Olongapo ang pagpapalaya kay US Marine Lance Corporal Joseph Pemberton na na-convict sa pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2015.

Ayon kay Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 Judge Roline Ginez-Jabale, dapat nang palayain si Pemberton dahil lagpas na sa maximum penalty na 10 taon ang pinagsilbihan nito para sa kasong homicide.

Nakulong na ng 2,142 araw si Pemberto at idinagdag dito ang 1,548 araw dahil sa magandang asal nito sa ilalim ng good conduct time allowance rule. 

Dahil dito, batay sa komputasyon ng korte, 3,690 araw nang nakapiit si Pemberton o sobra lang nang ilang araw sa 10 taon. 

Samantala, nagsumite naman ng motion for reconsideration ang abogado ng pamilya ni Laude.
    
Kinuwestiyon nila kung paano na-compute ang GCTA at kung ano ang pruweba sa magandang pag-uugali ni Pemberton sa kulungan.

Nakakulong si Pemberton sa isang pasilidad sa Camp Aguinaldo, imbes na sa regular na kulungan, bilang pagsunod sa probisyon ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Oktubre 2014 nang matagpuan ang katawan ni Laude sa banyo ng isang hotel sa Olongapo City, kung saan nag-check-in ito kasama si Pemberton.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.