PatrolPH

Tulong sa frontliners: Libreng overnight delivery alok ng lugawan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2020 11:39 AM

Tulong sa frontliners: Libreng overnight delivery alok ng lugawan sa Maynila 1
May alok na libreng overnight delivery ang isang lugawan sa Maynila na nakatutulong sa mga frontliner na maghanap ng makakainan ngayong may curfew sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

MAYNILA - May alok na libreng overnight delivery ang isang lugawan sa Maynila na nakatutulong sa mga frontliner na maghanap ng makakainan ngayong may curfew sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Dahil sa pandemya, naapektuhan ang kanilang negosyo at naisipan ng mga may-ari ng kainan na mag-deliver ng lugaw, kanin, ulam, at fishball. 

Pinayagan na kasi ang 24-hour operation ng mga kainan sa Maynila basta’t for take-out o delivery para makabangon ang mga negosyo sa lungsod. 

"Imbis na magtengga kami na wala kikitain, mag-free delivery na lang kami," ani Adriel Auxilio, may-ari ng kainan. 

Online ang transaksyon at may sarili rin silang motorsiklo para sa delivery service. 

Maraming frontliners din ang umo-order dahil malapit sila sa ospital. 

Ayon sa mga barangay tanod, maraming medical workers ang nagtatanong sa kanila kung may bukas pa ba na kainan sa madaling-araw. 

“Karamihan dito naghahanap pagkain, ano namin sa banda d'yan may bukas na tindahan, pagbalik nagpasalamat sila sa amin na nakabili sila pagkain nila,” ani Reynaldo Banastao, tanod sa Barangay 370. 

Inaasahan nila sa pagsisimula ng curfew ng alas-10 ng gabi ay mas marami pa ang magpapa-deliver ng pagkain sa kanila. 

— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.