PatrolPH

Navotas mayor ipakukulong ang magulang ng mga batang lumalabag sa curfew

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2020 11:34 AM

MAYNILA - Nagbabala si Navotas Mayor Toby Tiangco na kakasuhan at ipakukulong ang mga magulang ng mga batang ilang beses mahuhuling lumalabag sa mga health protocol.

Sa isang Facebook post, nagpahayag si Tiangco ng pagkadismaya dahil marami na namang mga menor de edad na nahuhuling naglalaro o gumagala sa labas ng kanilang mga bahay, at lumalabag sa curfew.

 

"Tandaan na sa ikatlo o higit pang beses na nahuli ang mga batang ito, maaari ng kasuhan at makulong ang kanilang mga magulang," ani Tiangco.

"Maluwag na po ang mga patakaran sa GCQ (general community quarantine) pero kailangan pa rin nating maghigpit sa ilang aspeto tulad ng 24-oras na curfew sa mga menor de edad," dagdag ng alkalde.

Sa tala ng Navotas city government noong Martes, umabot na sa 4,369 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa lungsod, kung saan 490 ang active cases o hindi pa gumagaling sa sakit.

Nasa 3,756 naman ang gumaling habang 123 ang namatay dahil sa sakit, ayon sa Navotas city government.

Nananatili ang Metro Manila sa maluwag na general community quarantine hanggang Setyembre 30.

Simula noong Marso, nagpatupad ng mga community quarantine sa bansa upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Sa buong bansa, higit 224,000 na ang kabuuang bilang ng kumpirmadong COVID-19 cases, kung saan higit 62,000 ang active cases.

-- May ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.