MAYNILA - Umaasa ang ilang negosyo sa Cavite na makakabawi sila sa lugi ngayong isinailalim na sa modified general community quarantine ang probinsiya.
Ang MGCQ ang pinakamababa sa apat na quarantine classifications na ipinapatupad ng gobyerno ngayong may banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Isa sa mga umaasa ang Maharlika Philippines Basketball player na si Renz Gonzales.
Nagtayo siya ng puwesto para sa itinitindang pares ngayong walang mga laro bunsod ng pinapairal na community quarantine.
"'Di naman ako dapat maggaganito, naglalaro ako ng basketball; kaso wala eh. Hindi naman tayo kikita 'pag walang trabaho," ani Gonzales.
Aminado rin ang kalapit na vape shop na malaki ang nawala sa kanilang kinikita dahil sa lockdown.
"Kung kumikita kami ng P8,000, ngayon P4,000 na lang. Kalahati sa isang araw," ayon kay Aries Veranga, na nagtatrabaho sa vape shop.
Ngayong mas maluwag na ang lockdown, umaasa sila na makakabawi sila sa kita kahit papaano dahil mas maluwag na ang quarantine sa probinsiya.
“Kung MGCQ po, sobrang okay po, kasi naglalabasan ang mga tao. nakakapanibago... Hindi ganiyan 'yan, laging maraming tao diyan. Ngayon sobrang konti. Ang mga [kumakain] sa amin mga empleyado lang. Walang masyadong tao diyan,” ani Gonzales.
Ayon naman kay Cavite Governor Jonvic Remulla, maghihigpit pa rin sila sa pagpapatupad ng health and safety protocols kahit mas maluwag na ang lockdown.
Ang mga mall, papayagang magbukas mula alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Isa't kalahating oras lang dapat manatili ang mga pumupunta rito maliban kung sa supermarket pupunta.
“Mayroon silang time stamp pagpasok nila. At may mga marshal sa loob na 10 minutes before, kahit nagbabayad ka na, i-e-escort ka na palabas. Ayaw naming maging convergence point na doon tumatambay ang mga tao,” ani Remulla.
Required din aniya ang quarantine pass kapag lalabas ng bahay.
-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Cavite, MGCQ Cavite, Cavite MGCQ, modified general community quarantine, businesses under MGCQ