Paggawa ng mga parol at alcohol dispenser ang pinagkakaabalahan ng mga person deprived of liberty mula San Juan City Jail. ABS-CBN News
MAYNILA - Abala si alyas "Will" sa paghahabi ng parol sa loob ng kanilang detention facility sa San Juan City Jail.
Pasok na ang mga buwan ng "ber" kaya puspusan na ang paggawa ni "Will" at ng mga kapwa detainee para maibenta ang mga Christmas decor.
Ayon kay "Will," bukod sa nakatutulong para magkaroon ng kabuhayan, napapawi rin ang kanilang kalungkutan dahil sa paggawa ng mga parol.
"Nakakaiwas din po sa lungkot dito sa loob at kumikita rin kami para sa sarili namin... para maging productive pagdating ng paglaya sa labas at maiba naman 'yong pagtingin sa labas sa mga PDL (persons deprived of liberty)," ani "Will."
Nasa 200 parol na ang nagagawa ng mga nakapiit, na ibinebenta sa halagang P250 hanggang P1,000, depende sa laki.
Ayon kay Insp. JM Sabeniano, warden ng San Juan City Jail, proyekto nila ito para may mapaglibangan ang mga detainee gayundin para kumita kahit papaano.
"At least mabura sa isip ng tao na masasama sila o wala silang karapatang magbago," ani Sabeniano.
"Itong parol na 'to, medyo nagbibigay ng liwanag talaga," dagdag niya.
Nagdaraos ng woodworking workshop ang San Juan police para sa mga nakapiit sa city jail. ABS-CBN News
Tila assembly line din ang eksena ng mga detainee na gumagawa ng alcohol dispenser mula sa kahoy, na ibinebenta sa halagang P1,700.
Hati-hati sila sa kita, na ipinadadala nila sa kanilang mga pamilya.
Sa lagpas 200 na detainee, nasa 180 ang lumahok sa proyekto.
-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, metro, San Juan, San Juan City Jail, persons deprived of liberty, PDL, parol, alcohol dispenser, ber months, Pasko, COVID-19, COVID-19 pandemic