Mga nagamit na rapid test kit, nagkalat sa kalsada sa Sampaloc, Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2020 05:34 AM

MAYNILA - Nagulat ang ilang residente sa Sampaloc, Maynila nang makita nila ang daan-daang mga gamit na rapid test kit na nakakalat lang sa kalsada ng M. Dela Fuente.

Nakapwesto umano sa lugar ang delivery rider na Lester Mangalindan nang may dumaan na bisikletang may sidecar bandang alas 9 ng gabi ng Martes.

Napansin niyang may nalalaglag mula sa mga sako ng basura sa sidecar. Inakala pa nilang pregnancy test kit ang mga ito, pero nadiskubre nilang may mga pangalan ito.

Natukoy ng SK Chairman ng Barangay 452 na si Karl Gonza na gamit na rapid test kits ang mga ito.

Nagkalat ang mga test kit sa kalsada mula Trabaho Market hanggang sa kanto ng España Boulevard.

Nangamba ang mga residente sa posibilidad na may positibo sa COVID-19 ang mga rapid test kit.

Agad itong winalis ng barangay officials matapos makatanggap ng tawag mula sa Department of Public Services o DPS. Tumulong din sa paglilinis ang service crew ng isang fastfood sa lugar.

Ayon kay Edwin Santos, isa sa mga barangay tanod ng Barangay 425, isinilid nila sa plastic ang mga hinakot na rapid test kit. Hinakot ito ng DPS para maitapon nang maayos.

Ayon kay DPS District 4 Manager Regin Carlos Tambo-ong, hazardous waste ang mga rapid test kit kaya dapat na siguruhin ng mga clinic at ospital na naisasagawa ang tamang waste management.

Nagbabala naman si Manila Mayor Isko Moreno na pananagutin at maaaring ipasara ang establisimiyentong lumabag sa proper disposal.

Plano ring i-disinfect ang lugar matapos ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.