Ilang bahagi ng 2 ospital sa Antipolo, isinara dahil sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2020 05:21 AM

MAYNILA - Pansamantalang isinarado ang ilang bahagi ng dalawang ospital sa lungsod ng Antipolo nitong Martes matapos magpositibo ang ilang health workers dito.

Ayon sa abiso ni Antipolo Mayor Andeng Ynares, simula alas 5 ng hapon ng Martes ay nilimitahan ang admissions sa OB at pedia departments ng Rizal Provincial Hospital System - Antipolo Annex 1.

Wala rin munang operating room (OR) procedures sa naturang ospital upang magbigay daan sa 24-hour disinfection ng OR/DR/NICU complex.

Alas 5 ng hapon ng Miyerkoles ay balik na sa operasyon ang mga nasabing bahagi ng naturang ospital matapos ang pagdi-disinfect.

Isinarado din ang emergency room at outpatient department (OPD) at tigil muna ang pagtanggap ng mga bagong admissions o pasyente sa Rizal Provincial Hospital System - Antipolo Annex 2 para naman sa 3 araw na disinfection activities sa buong ospital.

Bukod sa disinfection activities, sinimulan na rin ang contact tracing activities sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibong hospital staff.

Sa Biyernes na magbubukas muli ang naturang ospital.--Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.