PatrolPH

Higit 1 milyong trabaho bubuksan para sa gov’t infra projects

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2020 08:06 PM | Updated as of Sep 02 2020 08:29 PM

Watch more on iWantTFC

Nasa mahigit isang milyong manggagawa ang inaasahang mabibigyan ng trabaho ngayong pinapaspasan na ng gobyerno ang infrastructure projects na ikinasa sa buong bansa, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH). 

Target daw nila ngayon ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho gawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

“Ang pinaka-challenge diyan, if somebody gets infected and you have to abide by the protocols, siyempre ma-stop ‘yan… When a worker comes from Manila, when he goes home, there are some LGUs they want that they be quarantined for 14 days,” ani DPWH-NCR Regional Director Ador Canlas. 

Kabilang dito ang North Luzon Expressway-South Luzon Expressway (NLEX-SLEX) connector project na nabinbin nang dalawang buwan. 

Sa naturang proyekto, kailangan ang nasa 1,500 empleyado - mula sa mason, karpintero, at technically-skilled workers. 

Dapat matapos ang proyekto bago matapos ang taong 2021. 

Nagtalaga na rin sila ng tutuluyan ng mga manggagawa sa construction site at isasailalim ang mga manggagawa sa rapid test kada 2 linggo. 

Mahigpit ding ipapatupad ang pagsuot ng personal protective equipment at pagsunod sa physical distancing. 

"Para ma-augment namin sila sa additional teams na ike-create for the whole project kasi we need to jack up the output because malaking loss in time during the hard lockdown eh so two months din 'yon. So nag-readjust kami ng schedule ngayon, 'yung tao kailangan namin damihan,” ani NLEX-SLEX Connector project manager Edward Castro. 

— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.