PatrolPH

DepEd: Mental health support sa mga guro, estudyante kailangan palakasin

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2020 05:18 PM | Updated as of Sep 02 2020 08:10 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Tatlumpu't anim na taon nang nagtuturo sa public school si Solita Daz pero imbes na mag-enjoy na siya sa kaniyang mga huling taon ng pagtuturo, pakiramdam niya, hindi na niya ito kakayanin.

Doble-trabaho na kasi ang mga guro ngayong lilipat na sa distance learning ang paraan ng pagtuturo at pagkatuto ng mga estudyante.

"Naii-stress kami sa dami ng trabaho, Ang dami naming iniisip. Iniisip mo kung paano ka makakaturo ng mga bata. Ang mga bata namin, nasa 40. Paano mo matuturuan na sa tingin mo, makakasagot sila," ani Daz.

"Siguro, kung magtagal pa ako, parang mabaliw-baliw na (ako) sa aking gagawin," dagdag niya.

Sinamahan pa ito ng problemang pinansiyal, lalo't hindi makatrabaho ang anak ni Daz.

"Magre-relax ka pa ba? Pagkatapos mong magturo, magtatrabaho ka pa, naglalaba ka pa, nagpaplantsa ka pa," ani Daz.

Ang situwasyon ni Daz ang ilan lang sa mga hamong kinahaharap ngayon ng mga guro, lalo't pinapadapa ng COVID-19 hindi lamang ang bulsa ng mga Pinoy kundi pati ang isipan.

Aminado ang Department of Education na kailangang palakasin ang mental health support sa mga guro, kawani ng edukasyon, at mga estudyante.

"Kailangan i-build up ang kanilang capacity to deal and accept change," ani Education Secretary Leonor Briones.

"For the past several months, we have been holding seminars and upskilling of teachers. And we have engaged the help of the professionals kasi ang situation natin at present is more challenging," dagdga ni Briones.

Ayon sa isang psychiatrist, kung hindi matutugunan ang mental health problem, maaari itong mauwi sa mas malalang problema.

"'Pag 'di na nila nakita ang value ng kanilag buhay, that's when suicidal thoughts come in, especially 'pag may kasamang depression," anang psychiatrist na si Bernadette Monteclaro Manalo.

Nanawagan ang Philippine Guidance and Counseling Association (PGCA) sa DepEd na sa halip na kumuha ng mental health professionals, gamitin muna ang mga guidance counselor.

"Undervalued and underrated [ang guidance counselor] sa Department of Education. (Yung) iba, ginagawang registrar," ani PGCA Public Relations Officer Francis Ray Subong.

"We can provide mental health services to any person, even in a company, communities and barangays. We are in the best position, especially in the educational setting," sabi ni Subong.

Pero ayon kay Ronilda Co, direktor ng disaster risk reduction and management office ng DepEd, kasama naman ang guidance counselors sa nagbibigay ng psychosocial support sa ahensiya.

"'Yung guidance counselors natin are actually part of those conducting mental health and psycho-social support," ani Co.

"In fact, sa opening ng classes, bulto ang trabaho nila," dagdag niya.

Nakikipag-usap na umano ang DepEd sa Department of Budget and Management para magawan ng paraan na mataasan ang sahod ng mga guidance counselor para mahikayat ang mga itong magtrabaho sa DepEd.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.