MAYNILA — Aabot sa 470 na mga locally-stranded individuals (LSI) ang nakatengga ngayong Miyerkoles sa labas ng Libingan ng Mga Bayani (LNMB) sa Taguig City.
Ayon sa Taguig police, aabot sa higit 470 ang LSIs na nakatambay sa labas ng LNMB.
Dala-dala nila ang kanilang mga bagahe at nananatili sila sa ilalim ng tolda, tinitiis ang init at ulan sa pagnanais na umuwi sa iba't ibang lalawigan, na karamihan ay sa Mindanao.
Isa rito si Wuhab Mustalin na nawalan ng trabaho sa isang construction company noong Marso. Pinalayas na siya sa kanyang inuupahang kuwarto kaya nagdesisyong magtungo sa LNMB matapos mabalitaan na may mga nagtitipon-tipon doon para makauwi ng probinsiya.
"Kawawa naman kami kasi pagkain, tubig wala," aniya.
Banggit naman ng jeepney driver na si Reggie Palomar, napilitan silang pumunta sa palibot ng LNMB sa pag-asang makauwi ng Masbate.
Halos maiyak naman si Rolyn Rosauro habang karga-karga ang anak na sanggol at nananawagan nang makauwi dahil sa hirap ng kanilang sitwasyon.
"Nananawagan kami na sana pauwiin nyo na kami. Hirap na kami sa sitwasyon namin. Sana makauwi na kami sa kaniya-kaniyang probinsya."
Sa panayam naman ng TeleRadyo kay Presidential Management Staff Joseph Encabo na namamahala sa "Hatid Tulong" program ng pamahalaan, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga local government unit para gumawa ng hakbang para mapauwi ang LSIs mula sa Metro Manila.
Pero paalala niya, huwag nang magtungo sa LNMB dahil maaaring doon pa sila magkumpulan at posibleng mahawahan ng COVID-19.
"Sana ay antayin na ang abiso at ang panibagong proseso namin. Makipag-ugnayan muna kami sa kanilang LGUs."
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TV PATROL, TV PATROL TOP, PatrolPh, Tagalog news, balita, LSI, locally-stranded individuals, Libingan ng Mga Bayani, pandemya, COVID19, COVID-19, coronavirus, coronavirus disease