Ikatlong taon ng Davao City bombing ginunita

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2019 03:44 PM

DAVAO CITY — Isang misa ang idinaos noong Linggo sa Tree of Life memorial marker bilang paggunita sa ikatlong taon ng pambobomba sa isang night market sa lungsod na ito, na kumitil sa buhay ng 15 tao.

Dumalo sa misang pinangunahan ni Davao Archbishop Romulo Valles ang ilang opisyal ng pamahalaang lokal, mga pulis, sundalo, at kaanak ng mga nasawi, at mga survivor.

Sa kaniyang homily, iginiit ni Valles na sa kabila ng trahedyang dulot ng pambobomba, naging daan din ito para magkaisa at magtulungan ang mga taga-Davao laban sa terorismo.

"We come together today to recall how goodness swelled to counter that evil event. There was an upswell of goodness amongst the people of Davao," ani Valles.

Hindi nakadalo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa paggunita dahil naka-medical leave siya pero sa isang pahayag, sinabi ng local chief executive na ang insidente ay tanda na dapat laging maging mapagmatyag ang mga taga-Davao.

"The 2016 Roxas night market bombing serves as to remember for us to always be vigilant," anang alkalde.

"To the members of our security force and my fellow public officials, let us always go the extra mile to ensure that what happened here that fateful night of September 2 will never happen anywhere in Davao city ever again," dagdag niya. 

Dininig sa Taguig City ang kaso ng mga biktima laban sa mga inakusahang responsable sa pambobomba.

Ayon kay Taguig City prosecutor Vincent Villena, malakas ang kanilang paniniwalang mananalo sila sa kaso laban sa 7 akusado, na nag-file ng petition for bail.

Nagkaroon ng pagsabog noong Setyembre 2, 2016 sa Roxas night market na ikinasawi ng 15 tao at ikinasugat ng hindi bababa sa 60 tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.