Tulong para sa mga kabataang out-of-school, pinagsisikapan ng NGO

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2018 06:05 PM | Updated as of Sep 02 2018 07:25 PM

Watch more in iWantTFC

Nasa 22 porsiyento o higit sa 1 milyon ng kabataang 15 hanggang 24 taong gulang ang nabibilang sa out-of-school youth sa bansa, base sa huling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). 

Ang out-of-school youth ay mga nasa edad 6 hanggang 14 na wala sa pormal na paaralan; at ang mga edad 15 hanggang 24 naman na wala sa eskuwelahan at hindi nagtatrabaho o nakapagkolehiyo o nakakuha ng pag-aaral matapos ang high school, ayon sa website ng PSA. 

Isa rito si Kycess Mercado, 20 anyos, na huminto muna sa kursong entrepreneurship. Kahit na naging working student noon, hindi niya kinaya ang gastusin sa kolehiyo. 

Minsan nang sinubok si Mercado ng umano'y stigma ng pagiging out- of-school youth. 

"Parang ang baba ng tingin nila sa 'yo kasi hindi ka nag-aaral. Hindi po kasi maiwasan ang kumparahan," kuwento niya. 

Kaya ang libreng oras habang naghahanap ng trabaho, ginugugol niya sa community service para sa mga kapwa out-of-school-youth sa Pasig.

Ang mga tulad ni Mercado ang target na matulungan ng non-government organization na Philippine Business Education (PBEd), na kaakibat ang United States Agency for International Development o USAID.

Layunin nila sa ilalim ng Youth Works Philippines na maging tulay para makahanap ng trabaho ang mga out-of-school youth sa pamamagitan ng work-based training program.

"Tsine-change namin ang mindset na ang training sa school lang nangyayari. 'Yung training actually marami kang natutunan in the workplace eh," ani PBEd executive director Love Basillote.

Malaki rin ang tsansang ma-absorb ng isang kompanya ang isang trainee, lalo na kung naging maganda ang performance nito.

Kasalukuyan pang nakikipag-ugnayan ang PBEd sa mga potensiyal na schools at kompanya para sa listahan ng kurso at trabahong iaalok ng programa.

Para sa mga interesado, maaaring pumunta sa website ng PBEd kung saan maaaring makita ang mga kurso at programa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.