Isulan, binulabog ng bagong pagsabog

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2018 09:39 PM | Updated as of Sep 03 2018 12:03 AM

(UPDATE 3) MAYNILA - Wala pang isang linggo mula nang tatlong tao ang namatay mula sa pagsabog, muling niyanig ng kaparehong insidente ang bayan ng Isulan sa Sultan Kudarat. 

Isa ang patay at 13 ang sugatan sa panibagong insidente nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ng pulisya, sinabi nilang nangyari ang insidente sa panulukan ng mga kalye ng Valencia at Valdez, sa Barangay Kalawag 2, Isulan. Ayon sa militar, inilagay ang pampasabog sa pagitan ng isang internet cafe at ng Novo Department Store sa Isulan. 

Agad na nasawi ang isang 18 anyos na lalaki, ayon kay Mayor Marites Pallasigue. 

Lima sa 13 sugatan ang nasa kritikal na kondisyon, ayon sa pulisya. 

Nitong Martes (Agosto 28, 2018) lang ay naitala rin sa Isulan ang pagsabog na pumatay sa tatlong tao.

Watch more in iWant or TFC.tv
PANOORIN: Eksena sa National Highway sa Barangay Kalawag 2 sa Isulan, mga 40 metro mula sa pinangyarihan ng pagsabog, 15 minuto pagkatapos. Video mula kay Vhince Francis Aragon 

Matinding pinsala

Sa isa pang video mula kay Juneybeth Utto Nalang na kinuhanan sa Sultan Kudarat Provincial Hospital sa Isulan alas-8 ng gabi, o mga kalahating oras matapos ang pagsabog, kita ang pagkakagulo ng mga tao habang nag-aasikaso sa mga sugatan. 

EDITOR'S NOTE: May ilang biktima na duguan na makikita sa video kaya hindi na natin ito ipapakita.

Inilipat na sa mas malalaking ospital ang apat sa mga sugatan, ayon kay Pallasigue. Ito ay dahil sa tindi ng pinsala sa katawan na tinamo ng mga biktima. 

Ayon sa opisina ng hepe ng Philippine National Police (PNP), pito sa mga biktima, kasama ang nasawi, ang dinala sa Sultan Kudarat Provincial Hospital; apat ang nasa Holy Nazarene Hospital; isa sa Galinato Hospital; at dalawa sa Specialist Hospital. 

Kabilang sa mga ginagamot ang mga 14 ang edad, pero mayroon ding 49 anyos. 

"Lockdown"

Samantala, isinailalim na sa ''lockdown'' ang Isulan, ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng 6th Infantry Division. 

Ito raw ay dahil maaaring nasa loob pa ng munisipalidad ang nasa likod ng insidente. 

Sa inisyal na imbestigasyon, inilagay daw ang bomba sa gitna ng Prince Internet Cafe at Novo Department Store sa Kalawag 2, Isulan proper bago tuluyang pinasabog bandang alas-7:30 ng gabi. 

Hinala ng militar, ang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters muli ang nasa likod ng panibagong insidente.

Pagkondena at lungkot

Kinokondena ng PNP ang pangyayari, ayon sa hepe na si Director General Oscar Albayalde. 

"‪We strongly condemn the attack on the people of Isulan... We are saddened by the casualties brought about by this cowardly act perpetrated by people hellbent on their nefarious goals without regard for the lives of civilians," ani Albayalde sa isang pahayag. 

("Kinokondena natin ang atake na ito sa mga mamamayan ng Isulan... Tayo ay nalulungkot sa mga naging kasawian dahil sa kaduwagang ito ng mga taong desididong gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay nang walang pakundangan sa buhay ng mga sibilyan.")

"Makakaasa po kayo na tutugisin namin at hindi po kami titigil hangga't di napapanagot ang may kagagawan nito," aniya. ‬

Iniutos na raw ni Albayalde ang mas pinatinding pagpapatrol, paghihigpit sa seguridad sa lugar, at pinaigting na kooperasyon sa mga alyadong puwersa. 

- May ulat nina Myrvic Kapunan, Jeff Hernaez, at Raffy Santos ng ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.