PatrolPH

Malawakang kilos-protesta ikakasa ng mga health worker Miyerkoles

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2021 11:08 AM | Updated as of Sep 01 2021 11:28 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Maglulunsad ng malawakang kilos-protesta ang healthcare workers sa Maynila nitong Miyerkoles para igiit ang mga benepisyong ipinangako sa kanila ng pamahalaan.

Sa panayam ng Teleradyo kay Cristy Donguines, presidente ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center Employees Union - Alliance of Health Workers, lalahok sa kilos-protesta ang iba't ibang pampubliko at pribadong ospital.

"Panawagan namin ay ibigay para sa lahat ng mga manggawang pangkalusugan, hindi lang po sa iilan," aniya.

Ito ay sa kabila ng pagkaantala ng pagbibigay benepisyo sa healthcare workers, kagaya ng special risk allowance at active hazard duty pay.

"Kasi lahat ng trabaho ng mga manggagawang pangkalusugan very risky po iyon. Wala pong safe," ani Donguines.

"Kami ang sumusuong sa hirap. Kami ang humaharap sa kalaban na hindi namin nakikita. Kami ang nakababad sa lugar kung saan very risky, very hazardous sa aming kalusugan," dagdag nito.

Ayon kay Donguines, nakatanggap ng SRA ang lahat ng kawani ng JRRMMC pero kailangan pa nilang pumirma ng waiver. Giit niya, dapat lahat ng healthcare workers sa Pilipinas ang makakatanggap nito.

Sinabi rin ni Donguines na ilang porsiyento lang sa ipinangakong meal, accommodation and transportation allowance at active hazard duty pay ang kanilang natanggap.

Sa gitna ng COVID-19 pandemic, panawagan din ng medical frontliners na mag-resign na si Health Secretary Francisco Duque III.

"Iyon pa 'yung hinihingi sa kaniya na bumaba na sa puwesto kasi nga walang nangyari sa health-care system ng Pilipinas. Lalo pang tumataas ang kaso ng COVID-19," ani Donguines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.