MAYNILA - May mga condominium sa ilang bahagi ng Metro Manila na apektado ng mga granular lockdown matapos may maitalang mga kaso ng COVID-19 sa mga gusali.
Ganito ang ginagawa sa Mandaluyong, ayon sa chief information officer ng siyudad na si Jimmy Isidro.
“Doon (sa condominium units) kami marami, kaya ang ginagawa namin, once may isa pa lang, pullout na (ang pasyente). Pag pinullout mo, isasara mo ang bahay niya. Pagkatapos nun, ite-test namin ang mga kasama sa bahay,” aniya.
“'Yung sa compounds, nagpapadala kami ng groceries. Sa mga unit, nagpapadala rin kami, maging ang mga nagpo-positive, pinapadalhan rin ang pamilya," dagdag niya.
Binibigyan din ng pagkain at sinisigurong nasa maayos na kalagayan ang mga residente ng condo units at mga gusali na sakop ng mga granular lockdown.
May isinara rin na mga condo unit at mga building sa siyudad ng Maynila.
Nagsara rin ng units at ilang mga palapag ang ilang condominium sa Muntinlupa City.
Paliwanag ng isang barangay official, maraming maapektuhan kaya kada palapag na lang ang isinasara.
Kasalukuyang ipinapatupad ang mga granular lockdown sa Kamaynilaan ngayong nasa ilalim ang rehiyon ng modified enhanced community quarantine hanggang Setyembre 7.
— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.