Matamlay ang negosyo: Mga tindera ng Christmas decor kani-kaniyang paraan para kumita

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2020 01:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Matamlay ang negosyo sa mga bilihan ng Christmas decor sa mga pamilihan sa Dapitan Arcade sa Quezon City, ayon sa ilang nagtitinda sa gitna ng pandemya - dahilan para mag-isip sila ng paraan para makabenta.

Ayon sa tinderang si Collen Datuin, marami na dapat namimili pagdating ng Agosto at mas mabenta ang kanilang tinda pagdating ng Setyembre, ilang buwan bago ang Pasko.

Pero ngayong may pandemya, paisa-isa na lang ang bumibili o minsan wala halos silang benta. Dahil dito, nagtitinda na rin sila online.

Sa mga nais mamili sa Dapitan Arcade, nasa P1,500 hanggang P5,000 ang presyo ng isang Christmas tree depende sa disenyo at laki. Ang parol naman, nasa P1,500 hanggang P7,000. 

Sa Barangay Valencia sa parehong siyudad, handang-handa na rin ang tindang mga parol ni Shirley Labintino pero madalas aniyang nagtatanong lang ng presyo ang mga napapadaan. 

Kaya ang ginagawa ngayon ni Labintino ay nagtitinda na rin siya ng pagkain, face shield, at face mask para kumita kahit papaano. 

Umaasa ang mga nagbebenta na sisigla ulit ang kanilang negosyo habang papalapit ang araw ng Pasko. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.