Ilang magpaparehistro sana sa Maynila para sa halalan pinauwi dahil walang online appointment

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2020 12:45 PM | Updated as of Sep 01 2020 10:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Uminit ang ulo ng ilang mga magpaparehistro sana bilang botante para sa halalan 2022 sa tanggapan ng Commission on Elections sa Maynila.

Ang ilan kasi sa kanila ay hindi naabisuhang may pre-registration pala sa Facebook ng Comelec, habang ang iba naman ay wala umanong access sa online registration.

"Eh kung wala kang cellphone? Tulad ko, sinanla ko na 'yong cellphone ko dahil sa haba ng COVID na 'yan," sabi ni Ruben Potes, na galing Santa Mesa district.

Pinauwi rin ang ilang senior citizen.

Kung may naguluhan, may mga natuwa naman sa bagong sistema, tulad ni Joemella Cascaño, na nakapagpa-schedule ng appointment sa Facebook.

Bitbit ni Cascaño ang registration form na nasagutan na niya sa bahay pa lang, gayundin ang health declaration form.

"Mas okay po kasi pagdating dito, parang aasikasuhin po kayo kaagad," ani Cascaño, isang first-time voter.

Pagdating sa tanggapan ng komisyon, kinuhanan muna siya ng temperature at pinag-alcohol bago pinaakyat sa opisina. Contactless din ang transaksiyon.

"May technology na tayo eh. Kailangang gamitin natin," anang election officer na si Gregorio Bonifacio.

"Pinapadali po namin ang sistema, hindi po namin pinapahirapan," dagdag niya.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.