Truck driver, patay matapos madaganan ng container van sa Maynila

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2019 05:44 PM

MAYNILA -- Nagkalasog-lasog ang katawan ng isang truck driver matapos madanagan ng isang container van sa isang warehouse sa Paco, Maynila Linggo.

Kinilala ang biktima na si Rogelio Policarpio Jr., 44 anyos.

Ayon sa pahinante na si Richard Baranggain, nagbababa na sila ng mga kargamento mula sa nakaparadang container van nang unti-unti itong gumalaw at tuluyang bumagsak.

Huli na nang kanilang malaman na nadaganan na pala si Policarpio. Agad-agad nilang inangat ang likurang bahagi ng container van ngunit huli na para mailigtas ang biktima.

Palaisipan naman maski sa mga pahinante kung bakit bumagsak ang container van, hindi naman kasi ito gumagalaw at nakapatong lamang sa trailer. Wala rin ang pinaka-ulo ng truck.

Umaapela naman ng tulong ang dating misis ng biktima na si Jocelyn na nasa Saudi Arabia. Sana'y matulungan umano na madala sa Bicol ang bangkay upang doon mailibing.

Patulong ang isinagawagang imbestigasyon ng Manila Police sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.