Solar power system hatid sa paaralang matagal nang walang kuryente sa Sulu

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2019 03:13 PM

Isang pampublikong paaralan sa Sulu na ilang taon nang nagtitiis na walang kuryente ang nahatiran ng tulong ng isang fraternity mula sa University of the Philippines (UP).

Isang rooftop solar power system, computer, sound system, wide-screen projector at multi-media learning center ang ibinigay ng Upsilon Sigma Phi sa Kagay Elementary School sa bayan ng Talipao, Sulu.

Pinangunahan ni Energy Undersecretary Felix William "Wimpy" Fuentebella, na miyembro rin ng nasabing fraternity, ang pag-turn over sa mga gamit.

"Ito, mayroon silang pagkakataong pumindot ng computer, tingnan ang PowerPoint, tingnan ang video, na ginagawa din ng ibang bata sa urban areas. We want equal opportunity, patas na pagkakataon para sa mga bata," ani Fuentebella.

Ayon sa principal na si Reckmar Abdong, malaking tulong ang ibinigay na multi-media learning center ng fraternity dahil mas magiging interesado ang mga bata na matuto.

Nauna nang nagbigay ng solar power system ang Department of Education para magkailaw at electric fan sa mga silid-aralan ng paaralan.

Higit 300 mag-aaral din ang nabigyan ng libreng bag at school supplies.

Inamin naman ng ilang guro sa Kagay Elementary School na nakatatanggap sila ng banta sa kanilang seguridad mula sa mga bandido.

Ayon kay Lt. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command, tinutugunan na nila ang problema.

Nangako naman ang pamahalaang lokal ng Talipao na prayoridad nila ang pagbabantay sa seguridad ng mga paaralan.

Ayon kay Talipao Mayor Nivocadnezar Tulawie, may barangay peacekeeping action team silang binuo na siyang tumutulong para masiguro ang seguridad sa mga paaralan. -- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.