Kasambahay arestado sa umano'y pagnanakaw sa Surigao City

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2019 01:46 PM

Isang kasambahay ang naaresto noong Sabado sa Surigao City matapos umanong pagnakawan ang amo nito ng relong nagkakahalagang P2 milyon at mga gadget.

Kinilala ng pulisya ang suspek bilang si Vicky Lugod, alyas "Grace Moralde," na umano ay tumangay sa mga gamit sa bago niyang amo noong Agosto 28. 

Isang araw pa lang umano ang suspek sa trabaho nang gawin ang umano ay pagnanakaw.

Nakuha sa biktima ang relong nagkakahalagang P2 milyon at mga cellphone.

Isang concerned citizen ang nagsumbong sa kinaroroonan ng suspek matapos malaman sa pamamagitan ng social media na hinahanap ito dahil sa kasong pagnanakaw, ayon sa public information office ng Caraga region police.

Nakuha rin kay Lugod, na marami na raw nabiktima, ang mga resibo sa pawnshop na pinagsanglaan niya ng mga ninakaw na alahas.

Kinasuhan ng qualified theft ang suspek, na ngayo'y nakakulong sa Surigao City Custodial Facility.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.